MGA TAONG NABUBUHAY NA MAY HIV SA CENTRAL LUZON, INAASAHAN NG DOH NA LOLOBO SA BILANG NA HIGIT 29K

Tumaas ng 500% ang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa mga Pilipino na may edad 15–25 mula January hanggang March 2025, ayon sa DOH, dahilan upang manawagan na ideklara ang HIV bilang National Public Health Emergency.

Naitala ang 5,101 bagong kaso ng HIV sa unang tatlong buwan ng 2025, na mas mataas ng 50% kumpara sa parehong panahon noong 2024.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa kabuuang 148,831 ang kaso ng HIV sa Pilipinas.

Samantala, sa pinakahuling datos ng DOH Central Luzon Center for Health and Development, tinatayang aabot sa 29,200 ang People Living with HIV (PLHIV) bago matapos ang 2025, kung saan 48% o 14,102 na ang kumpirmadong may HIV.

Halos 98% ng mga kaso sa rehiyon ay dulot ng sexual contact, karamihan ay mula sa mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki (59.1%), bisexual contact (22.4%), at heterosexual contact (16.6%).

Nangunguna ang probinsya ng Bulacan sa may pinakamaraming kaso sa Central Luzon na may bilang na 5,136, sinundan ito ng Pampanga na may 4,344, at Nueva Ecija na nakapagtala ng 1,948 mula noong 1984 hanggang December 2024.

Dahil dito, patuloy ang kampanya ng Nueva Ecija Provincial Health Office na labanan ang HIV sa pamamagitan ng health education, libreng HIV testing at counseling, at pamamahagi ng condoms at lubricants.

Para sa mga nais magpa-test, mayroong libreng HIV testing sa San Jose City General Hospital mula Lunes hanggang Biyernes, alas-otso ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon.

Hinikayat din ng DOH ang publiko na magpasuri sa HIV dahil ito ay libre, confidential, at may self-test kits na rin.

Paalala rin ng ahensya na ugaliing mag-practice ng safe sex sa pamamagitan ng paggamit ng condoms at lubricants, at ang pag-inom ng Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), o isang gamot na tumutulong upang hindi mahawa ng HIV kung sakaling ma-expose dito, dahil pinipigilan ng naturang gamot na kumapit at kumalat ang virus sa katawan.