Ikinagulat ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang milyong presyo para sa pagkakaroon ng karapatan o goodwill sa dalawang ginagawang pamilihan ng Cabanatuan City.

Base kasi sa Ordinance No. 093-2023 na may petsang December 13, 2023 ng Pamahalaang Panglungsod ng Cabanatuan, ang goodwill para sa 9 sq.m na espasyo sa ground floor para sa Class A ng dry section ng City Supermarket ay nagkakahalaga ng mahigit Php1.9 million per stall para sa tatlumpong taong pagtitinda doon.

Habang ang class B at C ay nagkakahalaga naman ng higit Php1.5 million at Php1.1 million para sa 9 sq.m.

Sa Commercial area sa ground floor na class A ang retail 1 na may 67.80 sq.m ay nagkakahalaga ng mahigit Php44M; ang retail 2 na may sukat na 64.35sq.m ay may presyong higit Php41.8M; ang retail 3 na may 56.55sq.m ay may goodwill na Php36.8M; ang retail 4 na may 82.00 sq.m ay may presyong Php54M; habang ang retail 5 na may 28.60 sq.m at retail 6 na may 17.60 sq.m ay may halagang Php18.6M at Php11.4M.

Habang sa Magsaysay Public Market o Sangitan Market, ang class A at B sa wet section na may espasyong 5.28 sq.m ay nagkakahalaga naman ng mahigit Php2M at higit Php1.6M.

Tanong nina Bokal Eric Salazar at Bokal Ejay Joson, ano ba ang naging basehan ng City Government sa pagbibigay ng ganito kamahal na presyo ng goodwill.

Paliwanag ni Vice Governor Anthony Umali, sa lebel ng Sangguniang Panlalawigan ay aalamin aniya nila kung ito ba ay dumaan sa tamang proseso, kung naipabatid ba sa mga taga palengke ang ganitong halaga at kung naipaliwanag ba ng maayos sa kanila ang tungkol dito.

Sa kasalukuyan ay naghihintay pa ng iba pang hinihinging dokumento ang kapulungan at tatalakayin ang usaping ito sa Komite ng Laws, Rules and Regulations bago aprubahan.