MINOR, MAJOR OPERATIONS, LIBRE SA MGA OSPITAL NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Sinimulan na sa Gapan City District Hospital ang programa na magbibigay ng libreng major at minor surgeries sa mga mamamayan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Dr. Christian Salazar, Acting Provincial Health Officer II ng Nueva Ecija Provincial Health Office, layunin ng programang ito na mabigyan ng libreng operasyon ang mga Novo Ecijano na kapos sa pinansyal.
Kada linggo, iikot ang mga Chief Doctors o surgeons sa iba’t-ibang district hospital sa lalawigan upang magsagawa ng libreng operasyon.
Sa Gapan City District Hospital, matagumpay na naisagawa ang mga operasyon gaya ng tongue-tie, fistula-in-ano, cyst, at hemorrhoids na pinagtulungan ng mga chief surgeons mula sa iba’t-ibang district hospitals.
Lahat ng operasyon ay libre, at wala nang kailangan pang bayaran ang mga pasyente, mula sa konsultasyon hanggang sa mismong operasyon.
Dahil dito, lubos ang naging pasasalamat ng mga pasyente, at ayon kay Demetrio Bautista Jr. mula Cabanatuan City, buhat noong 1988 ay mayroon na siyang cyst, kaya naman natuwa siya dahil maooperahan na ito nang hindi gumagastos.
Malaki rin ang naging pasasalamat ni Mika Aubrey Maducdoc, 23-years-old mula sa Gabaldon na nagpa-opera ng hemorrhoids dahil malaking tipid aniya ang programa kumpara sa pagpapagamot sa pribadong ospital.
Ang programang ito ay isa sa mga pangunahing programa ni Governor Oyie Umali upang masigurong may access sa dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan ang lahat ng Novo Ecijanos.

