MIRACULOUS FUR BABY NA PINAKAMATANDANG ASO SA MUNDO, PUMANAW SA EDAD NA 31
Maituturing daw na himala ang kwento ng buhay ng aso sa Portugal na si Bobi, isang purebred Rafeiro Alentejano, na tinaguriang pinakamatandang aso sa buong mundo ng Guinness World Records noong Pebrero dahil sa edad nitong tatlong dekada.
Nitong Mayo nang magdiwang si Bobi ng kanyang ika-tatlumpo’t isang taong gulang na dinaluhan ng isang daang katao.
Ipinanganak ito noong May 11, 1992 at inirehistro sa Veterinary Medical Service of the Municipality of Leiria na kumumpirma ng kanyang kaarawan.
Nang isilang daw si Bobi ay walong taong gulang pa lamang ang kanyang fur parent na si Leonel Costa na isang mangangaso ang ama na palaging kasakasama ang marami nilang alagang aso sa gubat.
Nang magsilang daw ng mga tuta ang alaga nilang si Gira sa tabi ng kanilang bahay kung saan sila nag-iimbak ng mga kahoy ay nagpasya ang kanyang ama na huwag nang buhayin ang mga anak nito dahil sa dami na ng kanilang alaga.
Habang wala si Gira ay ibinaon na daw nila ang tatlong tuta sa lupa na ikinalungkot din ni Leonel at kanyang mga kapatid.
Nang mapansin daw nilang bumabalik pa rin si Gira sa lugar kung saan siya nanganak ay nadiskubre nilang may isa pang tuta na natira doon na itinago, inalagaan at pinangalanan nilang Bobi.
Nang maimulat na ni Bobi ang kanyang mga mata makalipas ang ilang linggo ay tsaka na ipinaalam nina Leonel sa kanilang ama ang tungkol dito.
Naparusahan man silang magkakapatid dahil sa kanilang ginawa ay worth it naman daw ayon kay Leonel dahil nagkaroon siya ng kasama sa kanyang pagtanda na ngayon ay trentay otso anyos na.
Pero ang lahat sabi nga ay mayroong hangganan, pumanaw si Bobi noong October 21, 2023 sa isang animal hospital sa Portugal.
Nabuhay man ng 31 taon at 165 araw si Bobi ay hindi pa rin daw sasapat para sa mga taong nagmamahal sa kanya.
Tumatagal lang umano ng labing dalawa hanggang labing apat na taon ang buhay ng mga katulad na uri ng aso ni Bobi na karaniwang ginagamit bilang sheepdogs.

