Ibinahagi ng isang babae mula sa South Africa ang kanyang karanasan matapos akusahan ng mga tao na nagtaksil siya sa kanyang asawa nang ipanganak niya ang kanyang anak na kulay puti ang kutis.
Ang anak ni Belvana Abeli, na si Zayana Domingos, dalawang taong gulang ay ipinanganak na may albinism na mayroong maputing balat, buhok at mga mata habang ang kanyang mga magulang at dalawang kapatid na limang taon at limang buwan ay mga itim.
Ayon sa tatlumpo’t anim na taong gulang na nanay, madalas pagtawanan ang kanyang anak dahil sa kakaiba nitong itsura at may nagsasabi pa na ampon lamang ito.
Madalas din aniya siyang matanong kung paano siyang nagkaroon ng anak na ang isa ay puti ang balat habang ang isa naman ay itim hanggang sa maakusahan na nga siyang nagtataksil sa kanyang asawa.
Matapos magka-COVID sa kanyang pagbubuntis, kinailangan niyang sumailalim sa C-section habang ang kanyang dinadala ay nasa 28 weeks pa lamang.
Nang makita niya ang kanyang anak ay nagulat din aniya siya kung bakit iba ang kulay ng balat at buhok nito.
Gayunpaman, matapos ang genetic testing, kinumpirma ng mga doctor na ipinanganak si Zayana na may albinism, isang kondisyon na panghabang-buhay.
Napag-alaman din ni Belvana na ang kanyang lolo sa tuhod ay nagkaroon din ng albinism at dumanas din ng mga diskriminasyon.
Madalas, ang mga taong may ganitong kondisyon ay nawawalan ng paningin dahil bumababa ang melanin sa layer ng mga selula nito sa mata at may mataas na panganib sa sunburn at kanser sa balat.
Aniya, mahirap magkaroon ng isang albino na anak dahil sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa albinism dahil may mga taong nagsasabi na kailangan ng espesyal na eskwelahan ng kanilang anak dahil ang albinism ay isa daw kapansanan.
Ngunit, ang kanilang anak ay isang biyaya para sa kanila sapagkat ito ay pagkakataon na maibahagi sa iba ang kanilang istorya at mapalawak ang kaalaman ng tao tungkol sa albinism.

