MIYEMBRO NG 4Ps, PINAKAMAHIHIRAP NA PINOY, MAKIKINABANG SA SUBSIDIYA SA KURYENTE

Magsisimula na sa September 15, 2023 ang pagpapatupad ng subsidiya sa kuryente para sa pinakamahihirap na Pilipino na itinakda ng Philippine Statistics Authority at miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps mula sa updated list ng Department of Social Welfare and Development.

Ito ang inanusiyo ng Presidential Communications Office o PCO sa ilalim ng Lifetime Rate Program kung saan nakadepende ang pagbabawas ng rate ng kuryente sa mga Distribution Utility o Electric Cooperatives.

Sinabi ng PCO, ang subsidiya sa kuryente ay ibibigay sa mga kwalipikadong consumer na hindi kayang bayaran ng buo ang kanilang bill.

Nilinaw din ng PCO na isang serbisyo lamang sa Distribution Utility (DU)/Electric Cooperative (EC) sa bawat qualified household ang maaaring mabigyan ng lifeline rate. Kung mayroong higit sa isang benepisyaryo na mag-aplay para sa lifeline rate mula sa parehong household, gamit ang parehong account ng serbisyo, isang aplikasyon lamang ang ipagkakaloob na may lifeline rate habang ang natitirang mga aplikasyon ay hindi maaaprubahan.

Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa distribution utility and electric cooperative sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang lifeline rate application form. Kasama na dito ang kanilang pinakahuling electricity bill at anumang valid na government ID.

Kailangan rin magsumite ang sinumang kustomer na nasa below poverty threshold ng certification mula sa social welfare and development office na inisyu sa loob ng anim na buwan na nagpapakita ng kanilang income.