MT. PINATUBO, IPINAGBAWAL SA MGA TURISTA

Sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ang lahat ng aktibidad pang-turismo sa Mt. Pinatubo simula May 4, 2025, matapos ang serye ng protesta ng mga miyembro ng Aeta Indigenous Peoples mula sa Capas, Tarlac.

Ayon sa DOT, ang hakbang ay para matiyak ang kaligtasan ng publiko habang pinakikinggan at tinutugunan ang mga hinaing ng katutubong komunidad. Isa sa mga pangunahing isyu ay ang kawalan ng patas na kabayaran at suporta sa mga Aeta, sa kabila ng patuloy na komersyalisasyon ng Mt. Pinatubo—lupang kinikilala nilang bahagi ng kanilang ancestral domain o lupaing ninuno.

Matatandaan noong April 18, 2025, hinarang ng mga Aeta ang daan ng mga turistang patungo sa Mt. Pinatubo sa bahagi ng Capas, Tarlac. Ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang protesta laban sa komersyal na turismo sa kanilang ancestral domain. Ayon sa kanila, hindi sila nakikinabang sa mga aktibidad pang-turismo kahit pa ang mga tinatahak ng turista ay bahagi ng kanilang tahanan at kultura.

Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), matagal nang kinakaharap ng mga Aeta ang isyu ng hindi patas na pamamahagi ng mga benepisyo mula sa paggamit ng kanilang ancestral domain. Habang ang kanilang kilos-protesta ay panawagan upang maiparating sa mga kinauukulan ang kawalang-katarungan sa umiiral na mga kasunduan sa pagitan nila at ng mga kumpanyang pang-turismo.

Sa gitna ng tensyon, ilang miyembro ng komunidad ang pansamantalang inaresto dahil sa umano’y paglabag sa lokal na ordinansa, gaya ng pagsagabal sa publikong daan. Gayunpaman, agad din silang pinalaya at walang kasong isinampa.

Samantala, pinapayuhan ang publiko na pansamantalang umiwas muna sa pagbisita sa Mt. Pinatubo habang inaantabayanan ang opisyal na anunsyo ng mga awtoridad hinggil sa pagbubukas muli ng turismo sa lugar.