MULA ONLINE SELLER HANGGANG DEGREE HOLDER: INA SA GUIMBA, TINUPAD ANG PANGARAP SA KABILA NG SAKRIPISYO AT PAGOD
Sa kabila ng pagod, puyat, at mga pagsubok sa buhay, matagumpay na nakamit ni Joanne Danzalan Buendia, taga Partida Uno, Guimba, Nueva Ecija, isang ina ng dalawang anak at online seller, ang matagal na niyang pinapangarap na diploma.
Pagbabahagi ni Joanne sa kanyang ginawang video na ipinost niya sa Facebook, isa sa mga emosyonal na sandali para sa kanya ang pictorial bilang bahagi ng kanyang pagtatapos sa kolehiyo.
Hindi niya napigilang maluha sapagkat para sa kanya, simbolo ito ng apat na taong pagsusumikap at sakripisyo.
Bilang ina, hindi naging madali para sa kanya ang pagsabayin ang pagiging magulang at pagiging estudyante., dahil bago pa man makapasok sa klase, pagod na agad siya sa gawaing bahay at pag-aalaga sa mga anak, dagdag pa rito, araw-araw siyang nagtitinda online upang matustusan ang pang-araw-araw na gastusin at gastusin sa paaralan.
Sa bawat order na kanyang natatanggap, para sa kanya ay isang hakbang iyon papalapit sa kanyang diploma.
Inilahad din ni Joanne na maraming beses siyang napagod—hindi lamang pisikal kundi pati emosyonal. May mga panahong hindi siya makapag-review dahil sa pagod, o kaya’y kailangang unahin ang pagbebenta upang makabili ng materyales sa kanilang project sa eskwelahan.
Sa kabila nito, patuloy siyang nagsikap at hindi bumitaw sa pangarap.
Natuto din aniya siyang pahalagahan ang bawat maliit na hakbang, hindi aniya kailangang malaki agad ang progreso, ang mahalaga, hindi siya tumigil.
Sa kanyang mensahe para sa mga kapwa working student at mga inang may pinagdadaanan, pinaalalahanan ni Joanne na hindi sila nag-iisa at hindi rin sila mahina.
Aniya, ang pagod ay hindi kahinaan, ito ay patunay ng katatagan, ang luha ay hindi senyales ng pagkatalo kundi ng tapang. Darating anya ang panahon na ang lahat ng hirap ay magbubunga.
Ngayon, buo ang pasasalamat ni Joanne sa Diyos at sa sarili. Ipinagmamalaki niyang mula online seller, isa na siyang degree holder.
Dagdag pa niya, ang tagumpay ay hindi lang para sa matatalino, kundi para sa mga matitiyaga, sa mga hindi sumusuko. Magpatuloy lamang hindi dahil madali, kundi dahil karapat-dapat kang makarating sa pangarap mo.

