Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang tiyakin na magkaroon ng abot kaya at disenteng kabaong ang mga mahihirap na pamilya.
Ang panukalang Affordable Funeral Service Act o House Bill 102 ay naglalayong pagaanin ang mga pasanin ng mga nagdadalamhating Pilipino lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Sinabi ni Cebu Representative Vincent Franco Frasco na mataas ang halaga ng funeral service sa bansa kaya naman kanyang pinangunahan ang pag-akda nito upang matulungan ang pamilyang Pilipino.
Sa ilalim ng HB 102, dapat tiyakin ng mga funeral company na mayroon itong service package na hindi lalagpas sa P20, 000 ang presyo. Kasama sa package na ito ang mortuary service, kabaong, at mga kaugnay na serbisyo.
Ang sinumang lalabag ay pagmumultahin umano ng hindi hihigit sa P200, 000 at masususpinde ang license to operate ng hanggang anim na buwan.
Kung sakali namang umulit ay papatawan ito ng multa na hindi hihigit sa P400 ,000 at aalisan na ng lisensiya.
Bibigyang mandato rin nito ang Department of Trade and Industry o DTI na imonitor at magpataw ng regulasyon sa mga presyo ng funeral services, habang magbibigay naman ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ng funeral/burial o financial assistance sa mga kwalipikadong aplikante.
Sa DSWD, kinakailangan lamang na ihanda ang Certificate of Indigency at case study na na-verify ng ospital o ng mga local social welfare office upang mapakinabangan ang murang funeral service.

