Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Vice Governor Doc Anthony Umali sa ginanap na ikalabing isang regular na session ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na pumirma sa isang kasunduan sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Bongabon para sa pinansyal na tulong na gagamitin para sa renobasyon ng kanilang lumang munisipyo para gawing municipal museum.

Ayon kay Administrator June Domingo ng Bongabon, bunsod ng kalumaan ng kanilang munisipyo ay hindi na ito angkop para gamitin bilang opisina kaya binakante na nila ito.

Ngunit dahil maituturing itong bahagi ng kanilang cultural heritage o pamana, nais nila itong muling buhayin bilang isang museo na papangalanan nilang Museo De Bongabon para itanghal ang yaman ng kultura at pamana ng naturang bayan na naging unang kabisera ng Nueva Ecija.

Aniya, base sa datos ay nananatiling kinikilala bilang Onion Capital of the Philippines ang naturang bayan kaya naman kabilang sa itatampok ang kasaysayan kung paano at kailan nagsimula ang pagtatanim ng sibuyas.

Bagaman nagtatanim din aniya ng palay ang Bongabon ay malaking porsyon ng kanilang lupang bukirin ay tinatamnan ng sibuyas na umaasa sa communal irrigation mula sa kanilang Small Water Impounding Project kung saan ang malaking bahagi ng kanilang patubig ay nagmumula sa Digmala River.

Aabot naman aniya sa Php5-M ang kanilang hinihinging pondo para sa restorasyon at renobasyon ng gusali, habang magkakaroon din naman ng counterpart ang LGU ng Bongabon para dito.

Sa panayam kay Vice Governor Anthony ay sinabi nitong hangarin ni Governor Oyie na maging bahagi ang pamahalaang panlalawigan para sa pagtatayo ng naturang museo, na makatutulong upang malaman ang kasaysayan ng Bongabon at kung paano naging sibuyas ang pangunahing pinagkakakitaan dito.

Nagbigay din ng suhestiyon si Vice Governor Anthony na tawagin ang museo bilang ‘Santor de Museo’ dahil ito ang unang pangalan ng Bongabon at isa sa mga unang bayan na kinilala sa lalawigan ng Nueva Ecija.