‘MY NAGA APP’ NG LOKAL NA PAMAHALAAN, SUMBUNGAN NG MGA MAMAMAYAN

Maraming netizens ngayon ang napapa- “sana all” sa inilunsad ni Naga City Mayor Leni Robredo na “MyNaga App,” o ang isang mobile app na magpapabilis at magpapadali ng government services para sa mga taga-Naga City.

Sa pamamagitan ng app na ito, pwedeng mag-report sa lokal na pamahalaan ang mga mamamayan ng kanilang mga hinaing, mag-request ng serbisyo, at makita ang update ng reklamo mo, na parang nag-oorder lang online.

Sa MyNaga App, pwedeng ma-access ang mga mahalagang serbisyo ng LGU, tumawag sa emergency hotlines, magbayad ng buwis, kumuha ng permit, mag-request ng tulong medikal, at mag-report ng mga problema sa lugar gaya ng sirang streetlights, sirang kalsada, o iba pang isyu.

Makikita rin dito ang mga tourist spots na pwedeng puntahan, latest news tungkol sa Naga City, at mga proyekto ng lungsod kalakip ang transparency report.

Patunay sa pagiging epektibo ng app ang viral na report ni Mark Bajaro noong August 22. Ini-report aniya ang mga kable ng kuryente na natatakpan ng dahon, at kinabukasan ay na-trim na ang puno at naayos ang kable.

Paalala ni Mayor Robredo, i-download lang ang MyNaga App sa Apple App Store at Google Play Store, at huwag mag-download sa third-party websites para iwas scam at phishing.