BABALA! SENSITIBONG BALITA:

PARA SA MGA BATA AT KABATAANG MANONOOD KAILANGAN NG PATNUBAY NG INYONG MGA MAGULANG AT NAKATATANDA.

NAGNAKAW UMANO NG PALAY, NAPATAY SA 15 TAGA

Hustiya ang panawagan ng pamilya sa Barangay Cabu, Cabanatuan City ni Jerwin ‘Uweng’ Racca, 42 years old na diumano’y may sakit sa pag-iisip na napatay sa pamamagitan ng labinlimang taga.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Avigail Pelayo Raza, natanggap nila ang balita noong July 21, 2025 na si Uweng ay natagpuang patay sa Barangay Malacañang, Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Aniya, bagaman may sakit sa pag-iisip ang kanyang kapatid ay malaya itong nakakalibot, kaya nakarating sa Barangay Malacañang kung saan siya nahuling nagnanakaw ng palay, ngunit paglilinaw ng kanyang mga kapatid hindi ito nananakit ng tao.

Lumabas umano sa preliminary investigation ng Philippine National Police (PNP) Sta. Rosa na homicide ang kaso dahil self-defense ang ginawa ng suspect sa pagpatay kay Uweng.

Ngunit dahil sa hawak nilang CCTV footage at resulta ng autopsy, nananawagan ang pamilya ni Uweng na mai-akyat ang kaso sa murder.

Noong July 30, 2025 ay nakatakda ang mediation sa pagitan ng pamilya Racca at ng suspect, ngunit hindi ito natuloy at na-reset ng August 6, 2025.

Isa umano sa mga nakitang anomalya ng pamilya ay ang hindi agarang pagkuha ng pulisya ng kopya ng CCTV footage mula sa barangay.

Sinubukan din ng Balitang Unang Sigaw na kumuha ng kopya ng CCTV footage, at nag-request sa PNP Sta. Rosa, ngunit paliwanag ng pulisya, hindi nila pag-aari ang CCTV, kaya ang barangay lamang ang may karapatang magbigay nito.

Ngunit ayon sa mga opisyal ng barangay, pinayuhan sila ng korte na kinakailangan ng court order bago sila maglabas ng dokumento kaugnay sa naturang kaso.

Nakasaad din sa blotter sa pagitan ng complainant at barangay, na hindi maaaring ilabas ang CCTV footage sa publiko, maliban na lamang kung ito ay utos ng korte.

Isa pa sa pinagtataka ng pamilya Racca, ay na-release ang suspek dalawang araw matapos itong mahuli.

Blangko rin aniya sa release order ang pagkakakilanlan ng kanilang kapatid sa death certificate, gayong nakapagpasa sila ng kumpletong dokumento na pirmado ng doktor at funeraria.

Giit pa ng pamilya, base mismo sa doctor na nagsagawa ng autopsy, hindi nakipaglaban si Uweng.

Mensahe niya sa suspek.

Nanawagan din ang kanilang pamilya sa mga kinauukulan na sa sana ay matulungan sila sa patas na laban.