Inilunsad ng higanteng kompanya ng inumin ng Hapon na Kirin Holdings ang isang electrified na kutsara na sinasabing maaaring magsulong ng mas malusog na pagkain sa pamamagitan ng pagbibigay ng maalat na lasa sa dila ng tao nang hindi gumagamit ng sobrang sodium sa mga pagkain.
Bago pa man mailunsad sa komersyo ay nanalo na ng Ig Nobel prize ang teknolohiya noong nakaraang taon na nagbibigay-pugay sa hindi pangkaraniwan at nakakatuwang pananaliksik.
Ibebenta ng Kirin ang 200 piraso ng kanilang Electric Salt Spoons online sa halagang $127 ngayong buwan at isang limitadong batch nito sa isang tindahan sa Japan sa Hunyo.
Umaasa umano silang makagamit nito ang 1 milyong populasyon sa buong mundo sa loob ng limang taon at magsisimula na rin silang magbenta nito sa ibang bansa sa susunod na taon.
Ang kutsara na gawa sa plastic at metal ay may timbang na 60 gramo at pinagagana ng rechargeable lithium battery.
Gumagana ito sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng mahinang electric field mula sa kutsara upang magbigay ng sodium ion molecules sa dila upang palakasin ang alat sa lasa ng pagkain.
Sinabi ng Kirin, na mahalaga ang teknolohiya sa Japan, dahil kumokonsumo ng mga 10 gramo ng asin ang mga adult kada araw na doble sa inirerekomenda ng World Health Organization.
May kaugnayan ang labis na sodium intake sa pagtaas ng insidente ng high blood pressure, stroke, at iba pang sakit.
Layunin nilang mabawasan ng mga hapon ang sobrang paggamit ng asin na nasanay sa kanilang kulturang pagkain na may mataas na sodium o maalat.

