NAIWANG CELLPHONE NA NAKACHARGE, SUMABOG
Ibinahagi ng isang social media influencer na si Marries Cabral ang kanyang traumang naranasan nang makatulugan niya ang kanyang mamahaling cellphone habang nakacharge na sumabog.
Nagbigay ito ng babala sa mga taong mahilig magcharge ng cellphone habang natutulog at mahilig gumamit ng cellphone habang nakacharge ito, na huwag na itong gawin upang hindi maranasan ang nangyari sa kanya.
Sa kanyang video ay ipinakita ni Marries ang nagkalat na piraso ng kanyang nasunog na cellphone at charger na ginamit nito, na iniwan daw niyang nakacharge sa kanyang kama.
Ipinakita din nito ang kanyang pwesto habang natutulog malapit sa kanyang cellphone at mabuti na lamang aniya ay hindi ito nakaharap sa cellphone kundi pati siya ay nasabugan na rin.
Bagaman matagal nang nangyari ang pagsabog ng kanyang cellphone ay naging usap-usapan pa rin ito ng mga netizens.
Dinala pa aniya niya sa pagawaan ang kanyang cellphone at sinabi ng gumagawa na nasobrahan daw ito sa charge.
Ang ganitong pagsabog ng kanyang cellphone ay maaari din aniyang ikapahamak ng sinumang makararanas nito at maaaring maging dahilan ng pagkasunog ng mismong bahay.
May mga nagkomento naman na nagsabing human error ang nangyari dahil nakalapag ito sa kama at napatungan pa ng unan ang nakacharge na cellphone at maaaring naabsorb ng cellphone ang init nito.
Habang ang iba naman ay nagsabing dapat ay naka-off ang data ng cellphone habang ito ay nakacharge dahil nakadaragdag ito ng init sa cellphone.
Umabot na ng 12 million views at 88K reactions ang naturang video na ipinost noong June 27.

