TRIGGER WARNING ‼ AKSIDENTE SA KALSADA
NAKAPARADANG MOTORSIKLO SA CABANATUAN, NASURO NG TRUCK; USAPIN SA ROADSIDE PARKING MULING SUMIKLAB

Umabot sa libo-libong reaksyon at views sa social media ang isang insidente kung saan dalawang motorsiklo ang natumba matapos masuro ng isang truck sa Barangay Valdefuente, Cabanatuan City, noong September 9.

Sa video na ibinahagi ng Facebook page na Parkeserye 2.0, noong September 11, makikita ang dalawang motorsiklo na nakaparada sa gilid ng kalsada habang may isa pang apat na gulong na sasakyan na nakahimpil sa kabilang bahagi.

Dumating ang truck na sumalpok sa mga motorsiklo na dahilan para bumagsak ang mga ito habang tuloy-tuloy namang umalis ang naturang truck, at hindi malinaw kung sinadya o aksidente ang pangyayari.

Agad na nag-viral ang kuha, na nakapagt ala ng mahigit 700,000 views, 11,000 reactions, at 2,300 comments mula sa mga netizen.

Karamihan ay ikinagalit ang umano’y maling paggamit ng kalsada bilang parking area.

“Lesson learned, hindi parking ang gilid ng kalsada,” komento ng isang netizen. “Tama lang ginawa ng truck kesa siya pa ang maaksidente,” dagdag pa ng isa.

May ilan namang nagsabing dapat ding isama sa usapin ang mga nakaparadang apat na gulong sa kabilang panig ng daan.

Muling nabuhay ang talakayan tungkol sa roadside parking, isang problemang matagal nang reklamo ng mga motorista at commuters.

Noong 2022, inihain sa Kamara ang panukalang batas na magpapa-obliga sa mga bibili ng bagong sasakyan sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod na magkaroon muna ng sariling garahe bago makabili ng sasakyan.

Ayon sa awtor ng panukala, si dating Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, isa sa mga pangunahing dahilan ng matinding trapiko ay ang paggamit ng mga motorista sa mga kalsada bilang personal na paradahan.