NATITIPID NA PAMBILI NG ULAM DAHIL SA PROYEKTONG KABUTE NG KAPITOLYO, GINAMIT PAMBAON SA MGA ANAK NG ISANG SOLO PARENT

Malaking tulong umano sa kabuhayan ng mga residente ng Brgy. Santolan, Palayan City ang ipinamamahaging kabute ng pamahalaang panlalawigan, kung saan isa si Laniellyn Lan Plado, isang solo parent, sa mga napabilang sa mga benepisyaryo nito.

Tugon aniya ito sa kahilingan nilang mga kababaihan. Kwento ni Laniellyn, isang linggo lamang nilang inalagaan ang mushroom fruiting bags ay umani na sila. Dagdag pa nya na ang buto raw ay hindi sabay sabay na namumunga kaya tatlong beses sa isang lingo sila umaani.

Noong bumabagyo umano at malakas ang hangin ay hindi sila makalabas. Kaya ang inaaning kabute ang kanilang niluluto at kinakain.

Sa gitna ng kanyang kinakaharap na mga hamon bilang solo parent, nakaramdam si Laniellyn ng malaking ginhawa dahil ang natitipid nya sa pambili ng kanilang ulam ay nagagamit nya sa pambaon ng kanyang mga anak na nag-aaral.

Kaya naman pasasalamat kina Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony Umali ang kanyang ipinapahatid, dahil hindi umano sila pinabayaan ng mga ito magmula noong pandemya. Mula sa libreng gamot, scholarships, at iba pang tulong na galing sa kapitolyo ay kanilang napapakinabangan.