BABALA! SENSITIBONG BALITA:
NAWAWALANG DIAKONO NG INC SA CUYAPO, HELPER NITO, PATULOY NA HINAHANAP
Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan tungkol sa pagkawala ng isang negosyante na diakono rin ng Iglesia ni Cristo sa bayan ng Cuyapo, at helper nito.
Ayon sa Facebook post ni Jhen Lagrana, alas dos ng hapon noong January 6, 2025 nang magpaalam ang kanyang asawang si Michael Lagrana, kasama ang kanilang tauhan na si Julius Diaz upang kuhanin ang bayad na Php450,000.00 na pautang sa District 7, Rosa Villa Subdivision, Cuyapo.
Ngunit hindi na nakabalik ang mga ito kaya kinabukasan ng umaga ay kaagad na ini-report ni Jhen sa Cuyapo Police Station ang pagkawala ng kanyang asawa at tauhan.
Sa isang panayam kay Cuyapo Police Chief Jeffrey Onde, sinabi nito na nang malaman nilang may abandonado at nasunog na Toyota Hi-lux pickup sa Poblacion West, Pangasinan noong alas sais ng gabi ng January 6, ay nakipag-ugnayan sila sa istasyon ng pulisya doon at kinumpirma ng pamilya ng nawawalang si Michael Lagrana na sa kanya ang naturang sasakyan.
Nakita rin aniya sa mga CCTV footages na kanilang nakuha na pumasok at lumabas sa nasabing subdivision ang dalawa.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay ‘Missing Person’ pa rin at patuloy na hinahanap sina Michael at Julius dahil wala pa umanong matibay na ebidensyang kinidnap sila bagaman mayroon nang dalawang ‘Persons of Interest’ na natukoy ang mga awtoridad.

