NEGOSYANTE NOON, ALKALDE NGAYON: TUTUTUKAN ANG SERBISYONG PANLIPUNAN AT MASINOP NA PAGGAMIT NG PONDO
Matapos ang 18 taong pamumuno ng administrasyong Angeles, isang bagong lider ang mamumuno sa bayan ng Santa Rosa. Si Mayor-elect Christopher “Tupeng” Aguilar, isang negosyante ang nagwagi bilang alkalde tangan ang platapormang nakatuon sa makatao, tapat at masinop na pamumuno.
Nagsimula si Aguilar sa larangan ng serbisyo publiko bilang SK chairman, naging konsehal ng barangay, at naitalagang barangay captain sa Valenzuela. Galing siya sa pamilyang may tradisyon ng paglilingkod, dahil ang kanyang ina na si Edna Aguilar ay dating konsehal ng bayan ng Santa Rosa.
Isa sa mga pangunahing tututukan ng bagong alkalde ay ang pagbibigay ng direktang serbisyong panlipunan kabilang ang tulong medikal, gamot, at kabuhayan, lalo na para sa mga pamilyang kapos at kababaihang nananatili sa bahay.
Bilang negosyante, naniniwala si Aguilar na dapat maging masinop, transparent, at kapaki-pakinabang ang paggasta ng pondo ng bayan.
Plano rin ni Mayor-elect Aguilar na palakasin ang benepisyo ng mga senior citizens. Mula sa kasalukuyang ₱200 buwanang tulong, nais niya itong dagdagan depende sa aktuwal na kapasidad ng pondo ng munisipyo na ngayo’y tinatayang nasa Php400 milyon.
Kasama rin sa mga prayoridad ng bagong alkalde ang pag-aayos ng lumalalang trapiko sa Santa Rosa. Sa maayos na daloy ng trapiko, umaasa siyang mas marami pang mamumuhunan ang papasok sa bayan, na magdudulot ng mga bagong trabaho para sa mga mamamayan.
Para kay Aguilar, ang kanyang pagkapanalo ay hindi lamang tagumpay sa politika, kundi simula ng tapat na paglilingkod sa bayan.
Aminado si Mayor-elect Aguilar na malaki ang hamon ng pagiging alkalde. Ngunit dala ang kanyang karanasan sa negosyo at serbisyo sa barangay, determinado siyang maging aktibo, tapat, at matino sa paninilbihan.
Opisyal na magsisimula ang termino ni Mayor-elect Aguilar sa Hulyo 1, 2025, katuwang ang kanyang bise alkalde na si Vice Mayor Chaw Dimacali at mga nagwaging konsehal mula sa partidong Unang Sigaw na sina Konsehal Antonio “Tony” Romero, Konsehal Peter Marcus “Macoy” Matias, Konsehal Robert Jacinto, at Konsehala Hasmin Sanqui. Sa kanilang kolektibong liderato, layunin nilang ihatid ang isang gobyernong bukas, tapat, at tunay na nakatuon sa kapakanan ng bawat mamamayan ng Santa Rosa.

