NEGOSYO SA PAGTATANIM SA GITNA NG CLIMATE CHANGE, ITINURO SA MGA MAGSASAKA

Sinimulan na sa Barangay Burnay, Talavera, Nueva Ecija ang isang pagsasanay para sa mga magsasaka na magbibigay sa kanila ng karagdagang kaalaman sa pagtatanim at pag-ani.

Ayon kay Officer in Charge, Municipal Agriculturist ng Talavera na si Virginia Agliam Leandro, ang Climate Resilient Farmer Business School ay isang programa kung saan tinuturuan ang mga magsasaka ng mga karagdagang kaalaman at estratehiya sa pagtatanim, pag-harvest at pamamahala ng kanilang sakahan bilang isang negosyo upang mas mapataas ang kanilang kita.

Nagsimula sa pagsasanay ang 25 hanggang 30 na magsasaka noong June 28, 2024 at inaasahang matatapos sa loob ng 18 na linggo.

Binanggit din ni OIC, na mahalaga na matutunan ng mga magsasaka kung paano i-adopt ang teknolohiya tulad ng makabagong pagbibigay pataba sa mga pananim lalo na ngayon na mayroong climate change.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga kalahok na magsasaka sa Provincial Government of Nueva Ecija na pinangungunahan ni Governor Aurelio Umali, dahil sa pagkakataong matuto at mapabuti ang kanilang ani lalo na ngayong kritikal ang lagay ng kanilang pananim dahil sa pabago bagong klima.