NETIZENS, NAINTRIGA SA PRUTAS NA LASANG TSOKOLATE; BLACK SAPOTE, VIRAL SA SOCIAL MEDIA

Maraming netizens, kabilang ang mga vloggers, ang naiintriga at gustong tikman ang viral na black sapote na isang prutas na sinasabing may lasa ng tsokolate.

Isa sa mga gumawa ng content tungkol dito ay ang food vlogger at chef na si Ninong Ry, kung saan umabot na sa 7.5 million views ang kanyang video sa Facebook.
Ayon kay Ninong Ry, talagang may lasang tsokolate ang laman ng tinawag nitong “fruit chocolate”, kaya naman balak niya itong gamitin bilang sangkap sa mga pagkaing irerequest ng kanyang mga followers.

Ang black sapote ay isang bilog na prutas na may berdeng balat sa labas, itim na laman, at dark brown na gitna kapag hinog na.

Ayon sa Facebook Page ng Rural Rising Philippines, ang black sapote na may scientific name na Diospyros digyna ay isang tropical fruit na itinatanim at inaani sa Bauko, Mountain Province, at maaari ring tumubo sa ibang lugar sa bansa.

Kilala ito sa kanyang matamis at malambot nitong laman, na parang chocolate pudding o fudge kapag hinog na.

Kapag hinog na ang sapote, ang balat ay nagiging medyo kulubot, bahagyang kayumanggi, na kapag hinawakan ay napakalambot na parang sobrang hinog na abokado.

Kung matigas pa ito, nangangahulugan na hindi pa ito hinog at maaaring may mapait na lasa, kaya mas mainam itong pahinugin sa room temperature hanggang lumambot bago kainin.

Bukod sa kakaibang lasa, mayaman din ang black sapote sa iba’t ibang sustansya, ilan sa mga benipisyo nito ay: mababa sa taba, hindi tulad ng tunay na tsokolate; mataas sa vitamin C, na tumutulong sa pagpapalakas ng immune system; mayaman sa fiber, na mabuti para sa digestion; at magandang mapagkukunan ng potassium, na mahalaga para sa kalusugan ng puso at muscles.

Ayon sa isang artikulong inilathala sa Martha Stewart website, ang sapote ay tinatawag ding “chocolate pudding fruit”, at kilala rin sa ibang bansa bilang black soap apple o black persimmon.

Ang prutas na ito ay native sa Mexico, Central America, at western South America.

Sa kasaysayan, tinawag itong “Tauch” ng mga Mayas, “Tzapoti” naman sa mga Aztecs, at ikinalat ito sa Central America.

Dinala ito ng mga Espanyol sa Caribbean at ilang bahagi ng Pilipinas at Indonesia.