“NGARUD”: SALITANG ILOCO NA MADALAS GAMITIN, PERO MAHIRAP IPALIWANAG

Isa sa mga salitang Iloco na madalas marinig pero bihirang mapagtuunan ng pansin ay ang salitang “ngarud”, na pangkaraniwang ginagamit sa pang-araw-araw na usapan ng mga Ilocano dito sa Nueva Ecija at iba pang rehiyon ng mga ilocano, pero ano nga ba talaga ang ibig sabihin nito?

Ayon kay Sir Ben Domingo Jr., isang Ilocanong manunulat, guro ng Communication, Language and Journalism sa Unibersidad ng Pilipinas at Central Luzon State University, ito ay may lalim na hindi basta-basta maipapaliwanag, lalo na kung hindi mo gamay ang wikang iloco.

Aniya, ang “ngarud” ay salitang iloco na ang katapat sa tagalog ay “nga” o “oo nga”, pero depende sa konteksto ng gamit.

Bagamat sinasabi ng ilan na ito ay “particle” sa Ingles, para kay Sir Ben ang klasipikasyon nito bilang salita ay ekspresyon na ang anyo ay panugtong na isinisingit sa pangungusap hindi para magdagdag ng kahulugan, kundi para magbigay ng bigat o damdamin sa sinabi.

Inihalintulad niya ito sa Batangueño na “baga” o “ba”, mga salitang idinadagdag para iparating ang diin o pakikiisa.

Ayon pa kay Sir Ben, mahirap hanapan ng eksaktong katumbas sa Ingles ang salitang “ngarud”, minsan pwedeng “indeed”, minsan “then”, o “what’s next”, pero depende sa kung paano mo ito ginamit at sa mga kasamang salita.

Sinabi rin ni Sir Ben na pwedeng tanggalin ang “ngarud” sa isang pangungusap, at maiintindihan pa rin ito, pero kapag idinagdag ito, mas ramdam ang damdamin ng nagsasalita at mas nagiging malapit ang dating sa kausap.

Bagamat sinabi aniya niyang ito ay pag-ugnay, nilinaw nitong hindi ito pag-uugnay na gramatikal, ito ay pag-uugnay na kultural, isang paraan ng pagpaparamdam ng pakikipagkapwa o kaisahan sa kausap.

Sa ibang bahagi ng mga rehiyong Ilocano, mas madalas na ginagamit ang salitang “ngay” bilang kahalili sa “ngarud”, na tinawag nitong dialectal variation, depende ito kung saan lumaki o saan galing ang isang Ilocano.

Hindi maikakaila na ang paggamit ng salitang “ngarud” ay nagsisilbing marker ng pagkakakilanlan, isang panandang nagsasabi na “kaisa kita”. Sa isang usapan ng parehog Ilocano, ang salitang ito ay tila tulay ng kultura at pagkakaunawaan.