NIA, TINIYAK NA WALANG KINALAMAN ANG DAM SA PAGBAHA SA ILANG LUGAR SA NUEVA ECIJA SANHI NG MGA NAGDAANG BAGYO
Nanindigan ang National Irrigation Administration Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems o NIA UPRIIS na hindi nagpakawala ng tubig ang Atate Dam at Pantabangan Dam dahilan kung bakit bumaha sa ilang lugar ng Nueva Ecija sanhi ng Bagyong Carina at Hanging Habagat.
Nilinaw ni Engr. Helen Viado, Department Manager ng NIA-UPRIIS, negatibo ang mga kumalat na balita na ang Atate Dam ang naging dahilan kung bakit binaha ang ilang barangay sa Cabanatuan City at bayan ng Santa Rosa, Guimba, at Bongabon.
Paliwanag ni Viado, dahil sa malakas ang pag-ulan sanhi ng Bagyong Carina at Hanging Habagat ay nagkaroon ng erosion ang nasabing dam na dati na umanong may sira noong 2021.
Aniya, pinakadahilan kung bakit nasira ang nasabing dam ay dahil sa itinayong tatlong malalaking poste ng Nueva Ecija Electric Cooperative at ang welcome arch na naging dahilan umano ng pagbagsak o pagguho ng lupa dahil sa malakas na agos ng tubig sa Atate Dam.
Sa tulong ng Provincial Government of Nueva Ecija ay agad naman itong naremedyuhan upang madaanan ng mga motorista. Sa kasalukuyan ay patuloy na ginagawa ang Atate Dam sa pamamagitan ng kanilang tanggapan.
Pinabulaanan din ni Viado na hindi galing sa irigasyon mula sa Genral Tinio at Santa Rosa ang naging baha sa Santa Arcadia at mga kalapit na barangay sa Cabanatuan. Ayon kay Viado, isa sa mga nakitang dahilan ng NIA ay ang pag-apaw ng mga drainage canal dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan.
Samantala, ibinalita rin ni Viado na nagkasundo ang mga president ng Irrigators Association na wala munang irerelease na tubig ang Pantabangan Dam para sa paghahanda ng mga magsasaka sa second cropping season ngayong buwan ng Oktubre.
Kaya walang katotohanan na sa tuwing may kalamidad sa lalawigan ay nagpapakawala ng tubig ang Pantabangan Dam dahil malayo pa umano ito sa spilling level na 221 meters.
Nakipag-ugnayan na rin ang kanilang tanggapan sa Department of Public Works and Highways o DPWH upang maisaayos ang kanilang drainage canal upang maging maganda ang daloy ng tubig sa bawat kalsada. Patuloy din ang pag-abiso ng NIA sa publiko sa mga level ng tubig ng mga Dam sa Nueva Ecija.

