Mas pinaiigting pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang mga paghahanda para masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng mga kalamidad na maaaring pumasok sa probinsya.

Ito ay matapos na pagtibayin sa 8th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Office of the Civil Defense Regional Office III at Department of National Defense (DND) para sa implementasyon ng Pro-Active Preparedness upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng komunidad sa panahon ng mga kalamidad.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Michael Calma, sa ilalim ng kasunduan ay maglalagak na ng mga non-food item ang OCD at DND sa tanggapan ng PDRRMO upang mabilis na maipamahagi ang mga ito sa mga apektadong mamamayan.

Kabilang sa mga non-food item na ito ay ang: Hygiene Kits (Pail) at (Orange Pail), Family Packs, Blankets, Tarpaulin, Shelter Repair Kits, at mga Chainsaws na may kabuuang halaga na aabot sa mahigit Php1.7 million.

Hindi man aniya ito ang unang pagkakataon na nagkaloob ang mga naturang opisina at tanggapan ng mga non-food items ay ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na mag-iimbak ng mga kagamitan para sa madaliang pagtugon sa anumang sakuna.

Ang mga items na ito ay maaari din aniyang makatulong sa mga kalapit na probinsya kung sakaling walang anumang sakuna ang dumating sa lalawigan na papalitan din ng mga naturang ahensya.

Nauna na dito ay inaprubahan din kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan ang pag-iimbak naman ng mga relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development bilang bahagi ng paghahanda sa mga kalamidad.