NOVO ECIJANA, NAGPASAYA NG MGA ASONG KALYE SA PAMAMAGITAN NG LIBRENG PAKAIN
Isang simpleng hakbang ng kabutihan ang nagdala ng saya sa mga asong kalye sa Nueva Ecija matapos magsagawa ng libreng pakain ang Novo Ecijanang si Eli Laurier, kasama ang ilang kapwa boluntaryo.
Sa isang post na ibinahagi ni Laurier, sinabi niyang ang maliliit na bagay ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa buhay ng mga hayop na walang nag-aalaga.
“Small things mean the world to them,” aniya, habang ibinabahagi ang video at kwento ng kanilang feeding activity.
Pagbabahagi ni Laurier, nagtipon sila ng mga donasyon upang makapagbigay ng pagkain sa mga aso.
Ang masiglang paglapit daw ng mga ito at ang kanilang sabik na pagkain ay lubos na tumimo sa puso ng grupo. “It’s amazing how something so simple can bring such comfort to them,” dagdag pa niya.
Plano sana ng grupo na gumamit ng dahon ng saging bilang lalagyan ng pagkain upang mabawasan ang basura, ngunit dahil sa pinsalang dulot ng nagdaang bagyo, karamihan sa mga dahon ay hindi na magamit.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy nila ang feeding program gamit ang kung anong mayroon sila kagaya ng paper cups, para kay Laurier, ang pinakamahalaga ay napakain at naparamdam nilang mahalaga ang mga aso.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng nagbigay, tumulong maghanda, at sumuporta sa kanilang munting inisyatiba. “Every happy bark, every wagging tail, and every full tummy was because of you,” ani Laurier.
Umani ng papuri at positibong reaksyon mula sa netizens ang ginawa niyang pagmamalasakit. Isa sa mga komento ang nagsabi:
“Ang galing mo naman. Sana marami pa ang blessings na dumating sa’yo para marami ka pang mapakain na mga aso at pusa na walang kumakalinga. ”
Patuloy namang hinikayat ni Laurier ang publiko na gumawa ng maliliit na hakbang ng kabutihan, lalo na para sa mga hayop na walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. “They may not speak, but they feel every bit of our kindness,” pagtatapos niya.

