NOVO ECIJANO, NAKAPAG-UWI NG MGA KARANGALAN MULA SA UNITED STATES OF AMERICA
Nakapag-uwi ng mga karangalan para sa Pilipinas lalo na sa lalawigan ng Nueva Ecija ang bente sais anyos na Novo Ecijanong si Fernando Jose Dysico na nagkamit ng ikatlong pwesto sa kanyang presentasyon tungkol sa umuusbong na isyu sa negosyo, sa katatapos na Collegiate State Leadership Conference ng Future Business Leaders of America (FBLA) na ginanap sa Orlando, Florida.
Wagi rin si Dysico ng ikawalong pwesto sa Foundation of Economics Objective Test na sumubok sa kaalaman ng mga kalahok sa mga pangunahing konsepto ng ekonomiya.
Ang FBLA ay isang organisasyon ng mga estudyante sa America na nakatuon sa karera at teknikal na pagsasanay na pangunahing tumutulong sa mga mag-aaral na makalipat o pumasok sa mundo ng negosyo.
Isa ito sa pinakamalaking organisasyon ng mga estudyante sa Estados Unidos, na may higit sa 200, 000 miyembro.
Nakuha din ni Dysico ang 1st place sa Innovation Challenge sa kanyang eskwelahan sa Susquehanna University, kung saan siya ay nagpresenta ng isang hipotetikong mobile app na maaaring gamitin ng mga estudyante upang makakuha ng detalyado at espesyal na impormasyon tungkol sa bayan ng Selinsgrove, Pennsylvania.
Si Dysico ay bunsong anak ni incumbent 2nd District Board Member Ferdinand Dysico at Mrss Farah Dinah Samson Dysico, na may kursong Bachelor of Arts with majors in Mathematical Economics, International Trade and Development, and History.
Sa bisa naman ng isang resolusyon mula sa Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ay binigyang pagkilala si Fernando Jose bilang pride ng lalawigan dahil sa mga parangal na ito.

