NOVO ECIJANO, VALEDICTORIAN NG PMMA “KADALIGTAN” CLASS OF 2025

Sa gitna ng 252 nagsipagtapos ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) “Kadaligtan” Class of 2025, namukod-tangi ang isang anak ng Nueva Ecija matapos hirangin bilang Class Valedictorian.

Si Midshipman First Class Marc John Castañeto, 22-anyos mula sa bayan ng Llanera, Nueva Ecija, ay itinanghal na nanguna sa kanilang batch sa seremonyang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Agosto 15 sa PMMA Grandstand, San Narciso, Zambales.

Anak ng isang retiradong guro sa elementarya at dating kundoktor ng bus, si Castañeto ay tumanggap ng mga prestihiyosong pagkilala kabilang ang Presidential Saber Award, Chairman of the Board Award, Best in Research, Leadership at Discipline Awards, at Top 1 Overall sa parehong Marine Engineering at Marine Transportation. Siya rin ay kinilalang OIC Marina Board Passer (Engine Operational Level) at 2nd Lieutenant Ensign sa Philippine Navy Reserve Force.

Ang kanyang inspirasyonal na kwento ay lalong tumatak sa pamamagitan ng kanyang talumpati, kung saan ibinahagi niya ang pinagmulan, mga aral mula sa pamilya, at pananampalataya sa Diyos na nagsilbing gabay sa kanyang paglalakbay.

Sa kanyang talumpati, binalikan ni Castañeto ang kanyang simpleng pinagmulan sa Llanera, Nueva Ecija, kung saan ang tunog ng tilaok ng manok at amoy ng bukirin ang kanyang nakasanayan kaysa alon ng dagat.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang kanyang mga magulang—isang guro at isang kundoktor ng bus—na nagturo sa kanya ng kabutihang-asal, pagtitiyaga, at lakas ng loob.

Ibinahagi rin niya ang kanyang pagkatuto tungkol sa pamumuno, na hindi nakabatay sa ranggo kundi sa malasakit at tibay ng loob.

Dagdag pa niya, ang pagiging lider ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng utos kundi sa kakayahang manatiling matatag sa gitna ng unos at pag-angat sa kapwa sa oras ng kanilang kahinaan.

Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat si Castañeto sa kanyang mga guro, opisyal ng akademya, at sa kanyang kapwa kadete sa Kadaligtan Class of 2025 na sabay-sabay hinarap ang mga literal na bagyo at matitinding pagsubok ng buhay sa akademya.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, pinasalamatan ni Castañeto ang Diyos, na kanyang itinuring na gabay at lakas sa lahat ng hamon na kanyang nalampasan.

Sa kanyang tagumpay, dala ni Marc John Castañeto ang dangal ng kanyang pamilya, bayan ng Llanera, at buong Nueva Ecija, bilang patunay na ang simpleng pinagmulan ay hindi hadlang sa marangal na pag-abot ng pangarap.