NOVO ECIJANONG NAGDIWANG NG 30TH BIRTHDAY, NIREGALUHAN NG MAHIGIT 30 CAKES
Naging extra special ang ika-tatlumpong taong pagdiriwang ng kaarawan ng Novo Ecijanong si Kenneth Pablo, mula sa San Juan Accfa, Cabanatuan City dahil sa iniregalo sa kanyang talumpo’t tatlong cakes, na pinakamaraming cakes na natanggap niya sa kanyang birthday.
Ayon kay Kenneth, simula noong 2018 nang makatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo ay taun-taon na siyang nakatatanggap ng hindi bababa sa sampong mga cakes tuwing birthday niya.
Dahil lumaking hindi marangya ang pamumuhay, ang tanging ninanais lamang aniya niyang matanggap na regalo tuwing kaarawan niya ay cake at mga bulaklak na nagbibigay sa kanya ng labis na kasiyahan.
Bagaman bawal si Kenneth sa matatamis ay ibang kaligayahan daw ang hatid sa kanya sa tuwing marami siyang hinihipang mga kandila tuwing ipagdiriwang ang araw ng kanyang kapanganakan.
Kasabay ng pagdagsa ng mga cakes noong September 10, ay namangha din siya sa malaking bouquet ng mga bulaklak na natanggap niya mula sa isang kaibigan na may-ari ng isang flower shop sa Cabanatuan.
Sa kabila ng pagiging pangkaraniwang tao na hindi naman sikat ay nakatataba aniya ng puso na marami sa kanyang mga kaibigan ang naaalala ang petsa kung kailan siya ipinanganak.
Hindi man aniya siya naging successful sa buhay at lumaki man sa broken family ay maituturing niyang pinagpala siya ng Diyos dahil pinagkalooban siya ng mabubuting mga magulang at maraming mga kaibigan.
Ipinagpapasalamat niya sa Diyos at palaging hiling na mabigyan pa ng mahabang buhay ang kanyang mga magulang na palaging nakasuporta sa kanya saan man siya dalhin ng kanyang mga paa at saan man niya ikumpas ang kanyang mga kamay.
Kasama sa kanyang birthday wishes ang magkaroon ng katiwasayan at direksyon ang kanyang buhay upang sa pagdating ng panahon ay maalagaan niya ang kanyang mga magulang.

