NOVO ECIJANONG SI MARY JANE VELOSO NA NAKULONG SA INDONESIA, POSIBLENG MAILIPAT NG PIITAN DITO SA PILIPINAS

Posible umanong makauwi na ng Pilipinas ang Novo Ecijanong si Mary Jane Veloso na taga Cabanatuan City, na nasentensyahan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa kasong droga, hindi para palayain kundi para ilipat ng kulungan dito sa bansa.

Inanunsyo ito ng Indonesia Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration at Correction na pinag-aaralan ng gobyerno ng Indonesia kung maaaring ilipat ng piitan dito sa Pilipinas ang Pinay na nasa death row, kasunod ng pakikipagkita ni Philippine Ambassador to Jakarta na si Gina Alagon Jamoralin sa kanilang minister.

Ito ay sa pamamagitan ng bilateral negotiations o pagbuo ng opisyal na Indonesian policy sa paglilipat ng banyagang bilanggo.

Sa oras na mailipat na ito sa bansa ay papayagan na ng Indonesia ang Pilipinas na magdesisyon kung papatawan ito ng clemency na maaaring magbigay daan para sa tuluyan nitong paglaya.

Kung mapagbigyan man ang kahilingan na mailipat si Veloso dito sa Pilipinas ay gugululin pa rin nito sa piitan ang nalalabi niyang sentensya base sa mga kondisyon na itinakda ng ruling ng korte ng Indonesia.

Matatandaan na naaresto si Veloso noong 2010 sa Yogyakarta Airport nang mahulihan umano ito ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe, ngunit nanindigan ang Pinay na inosente siya sa akusasyon laban sa kanya.

Napasama si Veloso noong 2014 sa death row at 2015 naman nang mabigyan siya ng temporary reprieve na dahilan ng pagkadelay ng execution niya.

Bagaman may posibilidad ay hindi naman umano agaran ang pagpapatupad nito dahil dadaan pa ito sa negosasyon ng dalawang bansa, ngunit nakikita ito bilang panibagong oportunidad.

Samantala, itinutulak na rin na tuluyan nang mapalaya si Veloso pagkatapos ng labing apat na pagkakakulong dahil biktima lamang umano ito ng human trafficking kung saan nasampahan na rin ng kaso ang mga nadakip na rekruter nito sa isang korte dito sa Nueva Ecija.