NUEVA ECIJA, KASAMA SA PAGTAAS NG BUDGET NG BANSA PARA SA TAONG 2024

Muling bumisita si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman sa Nueva Ecija, kung saan dumalo siya sa Research Innovation and Development (RIDe) Festival 2023 ng Central Luzon State University (CLSU).

Binigyang-diin niya sa kanyang talumpati ang kaugnayan sa pagitan ng CLSU RIDe Festival at ang kanyang adbokasiya sa innovation, research and development (R&D), at sustainability.

Sa unang pagbisita ni DBM Secretary Pangandaman sa kauna-unahang Public Financial Management Competency Program katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali na ginanap sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), ay inihayag niya ang kahalagahan at kontribusyon ng State Universities at Colleges (SUCs) sa paghubog ng mga kaisipan at pagkatao ng mga kabataan sa buong bansa na silang inaasahang tatayo bilang mga susunod na lider ng lipunan..

Kaya naman nagpondo ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng kabuuang P924.7 bilyon para sa edukasyon sa susunod na taon.

Nakapaloob dito ang patuloy na libreng pag-aaral sa kolehiyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education program na may nakalaang pondo na P51.1 bilyon, na kung saan ang P21.7 bilyon ay para sa mga SUCs sa buong bansa.

Maliban pa rito ang P3.4 bilyon na inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa mga pagawain o infrastructure projects.

Sa panayam ng TV48, sinabi ng kalihim na tumaas ang 2024 National Tax Allotment (NTA) na prayoridad na ilaan sa sektor ng agrikultura, imprastraktura at PDP Plan, at dahil ang Nueva Ecija ay isang Agricultural Province, ay kabilang ito sa paglalaanan ng 6.2% na proposed National Budget para sa susunod na taon.

Masaya ring ikinuwento ni Pangandaman na naging paborito niya ang mga produkto ng Philippine Carabao Center (PCC), kaya nais din niyang paunlarin ang mga produkto doon upang matulungan hindi lamang ang mga coops kundi maging ang mga maliliit na nagtitinda.