NUEVA ECIJA, LAYONG GAWING ‘MUST VISIT CULINARY DESTINATION’
Matagumpay na idinaos ng Provincial Government ng Nueva Ecija ang dalawang araw na Gastronomy Destination Development Seminar sa tulong ng Provincial Tourism Office kasama ang Department of Tourism-Region III.
Dumalo ang mga culinary experts, training managers ng mga food establishments at tourism officers mula sa iba’t-ibang lungsod at munisipalidad ng Nueva Ecija upang matutunan ang kahalagahan ng gastronomy sa pagpapalakas ng tourism industry.
Ayon sa Provincial Tourism Officer ng Nueva Ecija na si Atty. Jose San Pedro, ang isinagawang seminar ay magpapakilala ng mga pagkain na dapat alam, pinapalaganap at pinagmamalaki ng mga Novo Ecijanos.
Paliwanag din ni Culinary Experience Officer at Philippine Ambassador of the World Food Travel Association na si Ms. Cela Rose Garcia, layunin ng naturang training na gawing “must-visit culinary destination” ang Nueva Ecija, kung saan makakapanghikayat ng mga turista na nagnanais ng mas malalim na pang-unawa sa kultura ng mga lokal na pagkain.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang gastronomy tourism sa pagpapalaganap ng mga heritage dishes, at makakuha rin ng suporta ang mga gumagawa at nagtitinda ng mga lokal na pagkain tulad ng mga magsasaka.
Samantala, masayang inanunsyo ng culinary expert na si Ms. Garcia na nitong Hunyo, magsisilbing host country ang Pilipinas para sa gaganapin na gastronomy tourism forum ng United Nations World Tourism Organization.

