Prinisenta ni Police Lieutenant Esteban Belarmino ng Regional Anti-Cybercrime Unit III, PNP Anti-Cybercrime Group ang kasalukuyang estado ng cybercrime sa lalawigan at buong Region III sa 7th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan.
Base sa kanyang presentasyon, pumapanglima ang Nueva Ecija sa may pinakamataas na reported cases ng cybercrime sa buong rehiyon na aabot sa 166 mula 2019 hanggang 2023.
Nangunguna naman sa listahan ang Pampanga na mayroong 967 incidents at pumapangalawa ang Bulacan na mayroong 466 na kaso.
Base sa kanilang istatistika sa Nueva Ecija, may pinakamataas na bilang ng insidente ang Cabanatuan City na mayroong 27, pangalawa ang Cabiao na mayroong 16, Zaragoza na merong 11, kasunod ang Bongabon na may 10.
Mula sa bilang na 19 noong 2019 ay tumaas ang bilang ng cybercrime incident sa 77 sa lalawigan noong 2023, kung saan 66 dito ang naresolba.
Aabot naman sa 1, 216 ang kabuuang bilang ng mga natanggap nilang mga reklamo sa buong rehiyon noong 2023 mula sa 389 noong 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Belarmino, ilan sa maaaring ireklamo ay ang panggagaya ng mga Facebook page at mga post na pasok sa Identity Theft tulad ng idinulog ni Bokal Dindo Dysico.
Kabilang din sa maaaring makasuhan aniya ang mga nagpopost ng mga malalaswang larawan o video sa social media at paninira naman gamit ang mga telebisyon.
Dahil pumapanglima ang Nueva Ecija sa may pinakamataas na kaso ay nakipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang grupo kina Provincial Administrator Alejandro Abesamis at Atty. Carlo Atayde para sa nakatakdang pagtatatag ng Nueva Ecija Provincial Cyber Response Team na hihilingin naman sa Sangguniang Panlalawigan para sa isang resolusyon.

