BABALA! SENSITIBONG BALITA:
NUMBER 4 MOST WANTED SA CENTRAL LUZON, NADAKIP SA PAMPANGA

Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad noong August 1, 2025 sa Minalin, Pampanga ang isang high-profile fugitive, na No. 4 Most Wanted Person sa regional level.

Ito ay sa tulong umano ng mga cyber patroller ng Regional Intelligence Division-Central Luzon (RID-3) na gumamit ng digital intelligence.

Nahaharap sa mga kasong kriminal ang 56-year-old na suspek, na kilala sa alias na “Daddy” at residente ng Barangay San Rafael, Guagua.

Akusado siya sa two counts ng acts of lasciviousness na may piyansang PHP200,000 bawat bilang, at dalawang statutory rape na non-bailable o walang piyansa.

Binigyang diin ng Philippine National Police (PNP) na naging posible ang pagtunton sa kinaroroonan ng suspek sa pamamagitan ng online elicitation and validation techniques ng cyber patrollers katuwang ng Station 2 ng Olongapo City Police Office.