Isinusulong sa Kongreso ang panukalang pagtatatag ng mga nursing home para sa senior citizens sa bawat lungsod at probinsya sa bansa upang tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng mga nakatatanda, lalo na sa oras ng karamdaman at pangangailangan ng tuloy-tuloy na pangangalaga.
Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill No. 20 o Nursing Home for Senior Citizens Act na isinusulong ni Robin Padilla, na layong matiyak ang ligtas, maayos, at may malasakit na kalinga para sa mga lolo at lola.
Ibinahagi ni Florentina Casimiro, Provincial President ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines, ang mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga senior citizen kapag sila ay nagkakasakit.
Ayon pa kay Casimiro, malaking tulong ang pagtatayo ng nursing homes dahil magkakaroon ng mga sinanay na tagapag-alaga na may sapat na kaalaman sa pag-aalaga ng mga senior citizen na may karamdaman at kapansanan.
Dagdag pa niya, makikinabang din ang mga pamilya ng senior citizens dahil mababawasan ang kanilang alalahanin habang sila ay patuloy na naghahanapbuhay.
Samantala, ayon kay Thelma de Fiesta, OSCA Head ng lalawigan ng Nueva Ecija, may mga senior citizen na napapabayaan dahil sa kahinaan ng katawan at kakulangan ng kakayahan ng pamilya na patuloy silang maalagaan.
Para kay de Fiesta, malaking tulong ang adbokasiya ng senador upang matiyak ang kaligtasan at dignidad ng mga nakatatanda.
Sa pahayag ni Sen. Padilla, binigyang-diin niya na layunin ng panukalang batas na magbigay ng 24/7 medical care, suporta, at dignidad sa mga senior citizen, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay.
Binigyang-diin ng senador na ang pagtatatag ng nursing homes sa buong bansa ay makatutulong upang mabawasan ang pasanin ng mga pamilya at matiyak na ang mga senior citizen ay hindi napapabayaan.

