Sa mismong araw ng kanyang kapanganakan ay sumakabilang-buhay si Marlon Caballero, isang mangingisda sa Saudi Arabia. Ito ang malungkot na balitang dumating sa kanyang pamilya noong March 3, 2024.

Ayon kay Michelle Caballero, asawa ni Marlon, cardiac arrest ang sanhi ng pagpanaw nito.

Dahil hindi umano agad nadala sa ospital ay hindi naging maayos ang kalagayan ng mga labi nito.

Kaya lumapit si Michelle sa Provincial Government sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali, at sa pamamagitan ng PESO provincial office at OFW Help Desk ay napabilis ang pag-uwi sa bangkay ng kanyang asawa, at dinala ito sa punerarya kung saan na-cremate noong April 24, 2024.

Nagtagal ang burol ni Marlon ng anim na araw at naihatid na siya sa kanyang huling hantungan noong April 30, 2024.

Kwento ni Michelle, si Marlon ay isang mapagmahal na asawa at ama sa kanyang tatlong anak na babae, na may edad na 17, 13, at 3. Kaya lubos ang lungkot ng kanilang pamilya dahil nawalan sila ng kanilang tanging gabay at suporta sa buhay.

Subalit hindi sila iniwan ng pamahalaang panlalawigan, dahil isinama si Michelle sa TUPAD program at binigyan rin sila ng OFW assistance at burial assistance upang maibsan ang kanilang pasanin sa gastusin para sa paglilibing ng abo ni Marlon.