ON-SITE COMMAND CENTER PARA SA SAKUNA, IPAGKAKALOOB NG DOST SA NUEVA ECIJA

Magkakaroon na ng Mobile Command Control Vehicle (MOCCOV) with Triage Technology ang Lalawigan ng Nueva Ecija na magagamit para sa mas pinaigting at maayos na koordinasyon sa operasyon ng pagtugon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa panahon ng sakuna.

Ito ay matapos na aprubahan sa 12th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Department of Science and Technology Regional Office III para sa tulong pinansyal na nagkakahalaga ng Php16,800,000 mula sa 2024 Community Empowerment through Science and Technology Program in Region III Funds para sa pagbili ng MOCCOV.

Ayon kay PDRRM Officer Michael Calma, hindi lamang sa mga sakuna maaaring gamitin ang MOCCOV kundi maging sa mga organisadong pagtitipon o events.

Pagsasalarawan ni Calma, para itong transformer na maaaring ifold o itiklop para dalhin onsite o sa mismong apektadong lugar kung saan magsasagawa ng operasyon.

Nakapaloob sa MOCCOV na ito ang Mobile Command Center na mayroong antenna para sa ilaw at camera para sa monitoring ng lugar, may pangalawang tower para maaccomodate ang weather station at malawak na generator system, may sariling water tank, water pump, generator, kayang iaccomodate ang labing walong katao, may 5 foldable medical bed para sa mga emergency, foldable rescue boat, set ng radio communication, medical supplies at iba pang kinakailangang kagamitan para sa pagsasagawa ng disaster command and control operations onsite.

Mayroon din itong satellite smart router para sa koneksyon sa internet, drone para sa inspeksyon ng bisinidad ng apektadong lugar at isang pick-up car.

Umaasa din aniya sila sa agarang pagdating ng MOCCOV bago sumapit ang malalakas na ulan.