ONION COLD STORAGE FACILITY NG CLSU SCIENCE CITY OF MUÑOZ, OPERATIONAL NA
Opisyal nang bukas at maaaring magamit ng mga magsasaka ang Onion Cold Storage Facility na matatagpuan sa NEFVSC Compound, Central Luzon State University, Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Pormal itong binuksan ngayong April 30, 2025 sa pamamagitan ng isang Inauguration, Blessing, and Turn-Over Ceremony na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Department of Agriculture, Philippine Rural Development Project, lokal na pamahalaan, at mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Nueva Ecija.
Ang pasilidad ay bahagi ng inisyatibo ng pamahalaan na tugunan ang mga hamon sa post-harvest handling ng sibuyas, partikular sa tamang imbakan, at upang matulungan ang mga magsasaka na maiwasan ang pagkalugi. Kaya’t sa pagbubukas nito, maaari nang mag-imbak ang mga onion farmers sa mas abot-kayang halaga—Php45 kada bag, at Php180 para sa unang apat na buwang imbakan.
Ayon kay Atty. Jose Maria Ceasar C. San Pedro, Provincial Administrator, na kumatawan kay Governor Aurelio Umali, tinatayang aabot sa 120,000 onion bags ang kayang i-accommodate ng pasilidad. Plano rin ng pamahalaang panlalawigan na magtayo pa ng dagdag na pasilidad sa ikatlo at ikauna na distrito upang mas mapalawak pa ang benepisyo nito.
Binigyang-diin ni Dr. Evaristo A. Abella, Presidente ng Central Luzon State University, na ang cold storage facility ay isang makabuluhang hakbang upang suportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka. Isa itong simbolo ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, katuwang sa agrikultura, at mga komunidad ng magsasaka upang maisulong ang mas matatag at sustenableng agrikultura sa lalawigan.
Para sa mga magsasakang nais maglagak ng kanilang mga sibuyas sa onion cold storage, mangyaring makipag-ugnayan kay Dr. Jovita Agliam, Provincial Agriculture Head. Ako po si Jade Mallari, para sa Balitang Unang Sigaw.

