Pinalawig ng Bureau of Internal Revenue o BIR ng 90 araw ang deadline sa paghahain ng 1 percent withholding tax para sa mga online sellers.

Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 55-2024, ang transitory period para makasunod sa Revenue Regulations No. 16-2023 ay pinahaba hanggang July 14 matapos ikonsidera ang kahilingan ng mga pribadong sector ayon kay BIR Commissioner Jun Lumagui.

Ang RR No. 16-2023 ay ipinatupad upang isulong ang pagsisikap ng pamahalaan na i-regulate at buwisan ang online transactions.

Ang online transactions industry ay lumago sa panahon at pagkatapos ng Coronavirus pandemic pero lumitaw na maraming online sellers ang hindi nagbabayad ng buwis.

Sinabi ni Lumagui, na nagpapatupad lamang sila ng withholding tax system sa mga transactions ng online sellers sa pamamagitan ng electronic marketplace operators at digital financial services.