ONLINE SEXUAL ABUSE, LAYONG TULDUKAN NI PANGULONG MARCOS
Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang publiko at mga opisyal ng pamahalaan na kumilos at magsagawa ng ‘extra effort’ upang tuldukan ang online sexual abuse at exploitation ng mga bata.
Sa naganap na “Iisang Nasyon, Iisang Aksyon: Tapusin ang Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) Ngayon Summit 2024,” ipinangako ng Pangulo na paiigtingin ng kanyang administrasyon ang mga aksyon laban sa problemang ito.
Naging emosyonal din si Pangulong Marcos habang ipinapahayag ang kanyang pagkabahala sa paglaganap ng online sexual exploitation sa bansa, lalo na’t karamihan ng mga suspek ay pamilya mismo ng mga biktima.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kooperasyon ng publiko at pamahalaan upang maprotektahan ang mga kabataang Pilipino.
Samantala, ayon sa huling datos ng Philippine National Police, 1,099 na mga biktima ang nailigtas mula sa 237 na mga operasyon, na nagresulta sa pag-aresto ng 128 na suspek, 139 na kaso ang naisampa, at 41 ang nahatulan.

