Inirekomenda ng Committee on Laws, Rules and Regulations sa pangunguna ni Bokal Ferdinand “Dindo” Dysico bilang Chairman sa Sangguniang Panlalawigan na invalid ang Ordinance No. 026-2024 NG Cabanatuan City, na may petsang March 27, 2024 o An Ordinance Approving the schedule of goodwill rates for specific stall/spaces in the New City Supermarket and New Magsaysay Public Market and adopting the guidelines on the award of market stalls thereof.
Inilatag ni SP Secretary Atty. Norberto Coronel sa naganap na 15th Regular Session ng SP ang mga kadahilanan kung bakit inimbalido ng komite ang naturang ordinansa.
Una, sa pagpapareserve pa lamang ng stall ay kailangan nang magbayad ng vendor ng 50% ng halaga ng pwesto na nais nitong upahan at ang 50% naman ay kailangang bayaran sa araw na ookupahin na ang pwesto.
Lumalabas aniya na outright payment ito at hindi lease o paupahan kahit na magagamit ang stall sa loob ng 30 years.
Pangalawa, nakakalito ang renta dahil walang malinaw na halaga kung magkano ang ibabayad ng bawat ookupa sa bawat stall.
Lumalabas sa ilalim ng bagong ordinansa na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Cabanatuan, na binibigyan nila ng kapangyarihan ang Local Finance Committee na magtakda ng presyo ng monthly rental ng bawat stall.
Sinabi ni Atty. Coronel na ang pagtatakda ng mga rents, fees, taxes at assessments ay kapangyarihang ibinigay lamang sa Sanggunian at hindi dapat sa Local Finance Committee na hindi otorisado ng Local Government Code.
Dagdag ni Atty. Coronel, kung ang isang ordinansa ay hindi nagsusulong ng General welfare o pangkalahatang kapakanan ng taong bayan ay may kapangyarihan ang Sangguniang Panglungsod na ideklara itong invalid.
Base din aniya sa kanilang pagsusuri, ang perang ginamit sa pagpapagawa ng dalawang palengke ng lungsod ay inutang ng City Government at lumalabas na sa mga negosyanteng ookupa doon nila kukunin ang ipambabayad sa ginastos dito.
Inaprubahan naman ng mas nakararaming miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang Committee Report habang naghayag naman ng pagtutol dito si Bokal Jojo Matias.

