May dahilan para magalak ang mga pasyenteng may breast cancer na kasapi sa Philippine Insurance Corporation o Philhealth dahil mula sa dating package na P100, 000 noong 2012, ngayon ay mas pinalawak na nito ang Z benefit package ng kanilang mga miyembrong dinapuan ng breast Cancer na aabot na sa P1.4 milyon.
Saklaw ng naturang policy ang surgery o operasyon, gamot na kakailanganin at ang mga gagawing therapies. Layunin nito na mabawasan ang pasaning pinansiyal at magkaroon ng napapanahong pagtukoy sa sakit upang maagap na magamot.
Sinabi ni Philhealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma Jr. na noong March 2024 pa naaprubahan ang karagdagang halaga para sa Z Benefit package ng ahensiya.
Ang enhancement ng Z Benefit Package for Breast Cancer ay nakasandig sa programang Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Pilipino na inilunsad ng ahensya.
Batay sa datos ng Philhealth, pumapalo sa 27,000 ang nagkakasakit ng breast cancer kada taon kung kaya mas pinalawak na nila ang scope ng nasabing benepisyo.
Dati, tanging ang mga kaso ng cancer na nagsisimula pa lang ang sakop ng benepisyo pero ngayon ay kasama na rin ang mga malalang kaso ng breast cancer Stage 3 at 4, maging ang mga kasalukuyan nang ginagamot basta pasado sa mga criteria na nakasaad sa guidelines.
Paliwanag ng Philhealth, hindi lamang kababaihan ang makikinabang sa nasabing pakete ng benepisyo kundi sakop din ang kalalakihan na tinutubuan ng kanser sa suso.
Upang mapakinabangan ang nasabing package, ang mga miyembro o ang kanilang kwalipikadong dependent ay dapat makipag-ugnayan sa Z-benefits coordinator alinman sa 21 contracting hospital kasama na ang East Avenue Medical Center sa Quezon City at UP General Hospital sa Maynila.
Upang malaman ang mga facilities na ito, magtungo lang sa website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph o tumawag sa PhilHealth Action Center sa (02) 8662-2588 na maaaring tawagan kahit kailan o anumang oras (24/7).

