P10-MILYONG PABUYA PARA SA MAKAKAPAGBIGAY NG IMPORMASYON UKOL KAY QUIBOLOY, PINANININDIGAN NI PBBM
Pinanindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang masama sa pag-aalok ng sampong milyong pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon ukol sa kinaroroonan ng Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito’y matapos magkusang-loob ng ilang pribadong indibidwal na maghain ng reward sa DILG upang mapabilis ang paghuli kay Quiboloy.
Kinuwestiyon naman ng kampo ni Quiboloy ang pagtanggap ng pabuya ng pamahalaan. Sagot ni Pangulong Marcos, wala siyang nakikitang masama rito.
Aniya, maaaring kuwestiyunin ni Quiboloy ang motibo ng mga pribadong mamamayan na gustong tumulong sa pamahalaan, ngunit kailangan niyang magpakita.
Dagdag pa ng Pangulo, sinusunod lang nila ang batas, kaya dapat ay sundin din ito ng kampo ni Quiboloy.
Hindi pa rin malaman kung nasaan si Quiboloy na binabaan ng mga arrest warrant para sa mga kasong sexual abuse at human trafficking.
Matatandaan na dati nang inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kinaroroonan ni Quiboloy, pero wala umano siyang plano na sabihin ito.

