P1,000 MONTHLY ALLOWANCE SA MGA ESTUDYANTE MULA KINDER HANGGANG KOLEHIYO, ISINUSULONG SA KONGRESO

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang batas na layong bigyan ng P1, 000 buwanang allowance ang bawat mag-aaral sa bansa mula kindergarten hanggang kolehiyo anuman ang kalagayang panlipunan.

Sa ilalim ng House Bill No. 27 na inihain ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, layong matulungan ng buwanang ayuda ang mga estudyante sa kanilang gastusin sa pagkain, pamasahe, at mga gamit sa paaralan.

Gagamit ang programa ng digital cash transfers para sa mas mabilis at patas na distribusyon ng pondo sa lahat ng estudyante sa buong bansa.

Sinabi ni Leviste, ang cash allowance ay dagdag na suporta bukod pa sa mga umiiral na scholarship grants at educational assistance programs ng pamahalaan. Tinatayang P300 bilyon kada taon ang kakailanganing pondo para sa implementasyon ng programa.

Kabilang sa mga kundisyon ng panukala, kailangang may hindi bababa sa 80% attendance sa klase ang isang estudyante para makapag-avail ng buwanang allowance.

Sa panig ng ilang estudyanteng nakausap namin dito sa Cabanatuan City, pabor sina Norhamid Balao, Grade 12 student ng NEHS, at Luis Emmanuel Dela Cruz, 4th year college student mula NEUST, sa nasabing panukala.

Ngunit may mga estudyanteng hindi lubusang kumbinsido sa panukala. Ayon kay Fatima Mae Santos, isang graduate ng NEUST, dapat mas pag-isipan pa ang mas sustenableng proyekto para sa edukasyon.

Nilinaw naman ni Cong. Leviste na hindi layunin ng panukala na bawasan ang pondo ng ibang educational programs ng pamahalaan, kundi palawakin pa lalo ang suporta para sa mga mag-aaral.