P100M ROAD PROJECT SA ALBAY, ‘GHOST PROJECT’?

Nabistong wala naman pala umanong konkretong kalsada sa Barangay Cabasan, Bacacay, Albay kahit idineklarang “completed” na ang Php100-million road project doon noon pang taong 2022.

Sa Facebook post ni Albay Governor Noel Rosal, sinabi nitong personal nilang binisita ang Cabasan-Pongco-Bonga-Uson Road, ngunit ni isang bakas ng proyekto ay wala umano silang nakita sa lugar.

Batay aniya sa dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH), natapos na raw ang proyekto na may pondong isang daang milyong piso at hinawakan ng Sunwest Construction and Development Corp., kompanyang co-founded ni Ako Bicol Rep. Elizaldy Co.

Sa inilabas na pahayag ng DPWH-Albay 1st District Engineering Office, nakasaad na natapos ang proyekto noong November 2022, pero nilinaw nilang ang mismong concreting ay dapat pa sanang popondohan sa susunod na taon.

Ngunit kalaunan, napansin ng mga netizens na nawala o nabura ang naturang pahayag online.

Bukod sa Cabasan-Pongco-Bonga-Uson Road, ibinunyag din ni Gov. Rosal na aabot sa P599 million ang kabuuang halaga ng iba pang road project sa Cagraray Island na idineklarang tapos na pero walang natagpuang konkretong imprastraktura.

Kabilang dito ang Tanagan Ridge View, Manaet Ridge View, at Salvacion-Santicon-Sulong-Napao Road Network, na nakapaloob sa 2022 General Appropriations Act (GAA).

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang mas malinaw na paliwanag ng DPWH kaugnay ng umano’y mga ghost project sa Bacacay, Albay.