P20 KADA KILONG BIGAS, BINEBENTA NG PROVINCIAL FOOD COUNCIL GALING SA MGA BINILING PALAY NG MGA MAGSASAKA

Mahigit 2,000 residente ng Barangay Mayapyap Norte sa Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija ang nakabili ng tig-limang kilo bawat isa ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo.

Ito ay bahagi Palay Price Support Program ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC) na layuning tiyakin ang food security at access sa abot-kayang pagkain para sa mga pamilyang kapos sa buhay.

Ang ipinamimigay na libreng 25 kilos na bigas at ibinebentang bente pesos na bigas ay mula sa biniling sariwang palay ng PFC sa mga lokal na magsasaka.

Isa nga sa mga barangay na pinuntahan ng rolling store ay ang Barangay Mayapyap Norte, kung saan nakapanayam namin si Nanay Perlita De Guzman at iba pang nakabili ng bigas.

Nagpapasalamat din si Jennilyn Diaz dahil may murang bigas na malaking kabawasan sa araw-araw na pangangailan ng kanilang pamilya lalo na may karamdaman ang kanyang asawa.

Para naman kay Josie Cunanan, malaking kaginhawaan ang makabili ng bigas na P20 lang kada kilo kumpara sa karaniwang presyo nito sa pamilihan.

Hindi rin nakalimot magpaabot ng pasasalamat si Konsehala Susan Sarangaya sa mga opisyal na nasa likod ng programa, lalo na sa inisyatibang “Alagang Umali” na nagsusulong ng serbisyong malapit sa tao.