P29.00 NA BIGAS, IBEBENTA SA KARAGDAGANG KADIWA CENTERS

Mas pinalawak pa ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang P29 Rice Program matapos magkaroon ng karagdagang KADIWA Centers sa Metro Manila.

Ayon kay DA Assistant Secretary for Consumers and Legislative Affairs Genevieve Guevarra, ang tatlong karagdagang sites ay matatagpuan sa Malabon, Navotas, at sa Nangka, Marikina para lalo pang mailapit sa publiko ang murang bigas na sinimulan nang ibenta noong nakalipas na linggo.

Aniya, mayroon pang tatlong site na nakatakdang mabuksan sa dalawang kalapit na probinsya ng Metro Manila bago matapos ang buwan ng Hulyo.

Maliban sa P29 per kilo na bigas, ang piling mga KADIWA centers ay magsisimula na rin umanong magbenta ng bigas sa ilalim ng “Rice-for-All” program, kung saan ang well-milled rice ay magiging abot-kaya sa maraming mamimili dahil sa mas mababang presyo kumpara sa umiiral na halaga sa merkado.

Nauna nang hiniling ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa lahat ng LGU sa loob ng Metro Manila na tukuyin ang mga nararapat na lugar para sa mga KADIWA centers, upang mas mapalawak ang maabot ng programa ni Pangulong Marcos na magbigay ng abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino.

Ang KADIWA centers ay nagbibigay din ng rent-free marketplace para sa mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka upang kanilang maibenta ang mga inaning produkto.