P30.4B PONDO PARA SA PENSYON NG MGA RETIRADONG MIILITAR, APRUB SA DBM

Inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng P30.409 billion na pondo para sa pensyon ng mga retiradong militar at uniformed personnel (MUP) para sa unang quarter ng 2025, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Secretary Pangandaman, mahalaga ang pensiyon upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga retirado, tulad ng pagkain at gamot.

Aniya, ang pondo ay mula sa Pension and Gratuity Fund (PGF) sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12116 o ang FY 2025 General Appropriations Act (GAA).

Sa kabuuang halaga, P16.752 billion ang inilaan para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Veterans Affairs Office sa ilalim ng Department of National Defense (DND).

Samantala, P13.297 billion ang mapupunta sa mga ahensya na sakop ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kabilang ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at National Police Commission.

Habang P8.530 million naman inilaan para sa 34 pensioners ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Maliban dito, mayroon ding inilaan na P350.680 million para sa pensyon ng 2,836 na retiradong personnel ng Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).

Ang mga naturang pondo ay inilabas umano batay sa aktwal na pension payroll na isinumite ng mga ahensya noong December 31, 2024.