Iniulat ng Presidential Communications Office (PCO) na nakasamsam ang mga awtoridad ng halos P32 bilyong halaga ng illegal narcotics sa ilalim ng unang dalawampo’t isang buwan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa news forum sa Quezon City sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, na nakapagtala sila ng halos 990 kilos ng nakumpiskang droga noong October 2022 at pag-aresto sa isang Chinese national simula July 1, 2022 hanggang April 21, 2024.

Isinakatuparan aniya ng PNP ang anti-illegal drugs campaign sa pamamagitan ng holistic approach at pinaigting na “demand reduction drive” ng Buhay Ingatan, Droga’y Iwasan (BIDA) Program at pagtatayo ng rehabilitation centers kabilang na ang mga nakabase sa mga komunidad.

Katuwang ng BIDA Program ang ibang national government agencies, local government units (LGUs), private sector, at faith-based and civil organizations na mas nakatuon umano sa ‘drug demand reduction at rehabilitation’ sa mga komunidad na suportado ng law enforcement agencies.

Ayon naman kay Interior Secretary Benhur Abalos, dahil sa BIDA program, mayroong 400,000 advocates ang nakilahok sa iba’t ibang BIDA activities ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kita aniya ang improvement sa 28,000 barangay na naitalang drug-clear at mahigit 6,000 na drug-free barangay.