P350-B NA NATIRANG BUDGET NG DPWH PARA NGAYONG 2025, GAGAMITIN SA FLOOD CONTROL PROJECTS SA 2026

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang ilalaang pondo para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa susunod na taon.

Sa kanyang podcast, sinabi ng Pangulo na sapat pa ang natitirang P350 bilyon mula sa 2025 budget para ipagpatuloy ang mga proyekto.

Nilinaw ng Pangulo na hindi ititigil ang flood control projects, bagkus ay dadaan ang mga ito sa mas mahigpit na pagsusuri upang matiyak ang tamang paggastos, maayos na disenyo at wastong implementasyon.

Binigyang-diin din ni Marcos na ang mga kontratista ang dapat mag-ayos ng depektibong flood control projects gamit ang sariling pondo. Hindi umano dapat asahan ng mga ito na sagutin muli ng gobyerno ang gastos.

Sa panukalang 2026 National Expenditure Program (NEP), humiling ang DPWH ng P250.8 bilyon para sa flood management program, mas mataas nang bahagya kaysa P248 bilyon sa 2025 General Appropriations Act.

Ipinaliwanag ng Pangulo na bahagi ng desisyon ang pagtanggal sa mga anomalous at redundant line items sa DPWH budget. Iniutos na rin niya sa ahensya na muling repasuhin at isulat ang kanilang pondo para sa 2026.

Nagbabala naman ang ilang mambabatas na maaaring ibalik sa Malacañang ang NEP dahil sa mga duplicate at redundant projects, ngunit iginiit ng Pangulo na hindi mangyayari ito.

Nagbigay ang Kamara ng deadline hanggang Setyembre 16 sa DPWH at Department of Budget and Management para magsumite ng mga errata, amendments, at bagong panukala bago ipagpatuloy ang deliberasyon sa 2026 budget ng DPWH.

Samantala, tiniyak ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi magkakaroon ng reenacted budget na tinawag niyang “counterproductive.” Aniya, nais ng administrasyon na manatili sa iskedyul ang budget process at nakatakdang lagdaan ng Pangulo ang pambansang pondo bago matapos ang taon.