Isusulong ng House of Representatives ang panukala na itaas ng 150 hanggang 350 pesos ang arawang sahod ng mga minimum wage earners.
Ayon kay Zamboanga City Representative Manuel Jose Dalipe, dahil pa rin sa epekto ng inflation, ay naniniwala ang Kongreso na hindi sapat ang inaprubahan ng Senado na isang daang pisong umento para matugunan ang pangangailangan ng mga empleyado.
Samantala, sinabi ng mga Senador na kung sa isang daang piso pa lamang na panukalang umento ay marami na ang hindi sumang-ayon, paano pa kaya ang P350.
Sinabi rin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na hindi tutol ang DOLE sa pagtaas ng sahod kahit mayroon umano itong posibleng epekto sa ekonomiya partikular na sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Dagdag pa nito, kapag tumataas ang sahod, ay tumataas din ang mga presyo ng pangunahing bilihin at transportasyon.
Nagbabala rin ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President na si Sergio Ortiz-Luis, Jr., na ang pagsasabatas ng pagtaas ng sahod ay may posibilidad na magdulot ng catastrophic effect sa inflation, lalo na’t 10% lang ng 52 million na manggagawa ang minimum wage earners at ang iba ay hindi naman makikinabang sa umento.
Sa kasalukuyan, ay wala pang panukalang batas para sa P350 na dagdag sahod, ang mga nakabinbin pa lang sa Kamara para sa wage increase ay ang P150 na panukala ng Trade Union Congress of the Philippines at P750 na panukala ng Makabayan Bloc.

