P45-B AIP NG NUEVA ECIJA PARA 2026, NAKATUON SA MAS MATIBAY NA MGA PROYEKTO AT SERBISYO NG KAPITOLYO

Inilatag ng Provincial Government of Nueva Ecija ang proposed Annual Investment Program (AIP) para sa Fiscal Year 2026 na may kabuuang halagang P45,920,016,163.29.

Mas mababa ito ng 53% kumpara sa P98 billion budget noong 2025, at ito’y bunga ng pinagsama-samang pag-aaral at konsultasyon ng Provincial Development Council, Local Finance Committee, at lahat ng departamento ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Provincial Planning and Development Office (PPDO) Chief Engr. Dennis Agtay, ang malaking pagbabago sa pondo ay bunga ng mas maingat na pagplano at pag-angkop sa kakayahan ng mga implementing offices.

Mula sa kabuuang pondo, 11% o P5.09 billion ang inilaan para sa General Service Sector, na tumaas ng 42% mula 2025.

Saklaw nito ang 22 offices ng Kapitolyo, at nakatuon sa pagpapalakas ng operasyon ng mga opisina.

Samantala, 10% o P4.62 billion ang inilaan para sa Social Service Sector, na may 39% na pagtaas mula noong nakaraang taon.

Nakapaloob dito ang pagpapaigting ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan, kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situations, Surgical Caravan, drug rehabilitation, at iba pang tulong para sa mga kabataan, Persons with Disabilities, Indigenous Peoples, at marginalized group.

Pinakamalaki pa rin ang bahagi ng Economic Service Sector na may 54% o humigit-kumulang P35 billion, bagama’t mas mababa ito ng 61% kumpara noong 2025.

Nakatuon ito sa pagpapaunlad ng agrikultura, industriya, turismo, at iba pang proyektong pangkabuhayan.

Bukod dito, 24% ng pondo ang inilaan para sa iba’t-ibang infrastructure projects na magpapabuti sa imprastraktura at serbisyo publiko sa lalawigan.

Samantala, 1% o P579.57 million ang inilaan para sa Other Service Sector, na bumaba ng 11% mula 2025.

Kabilang dito ang Cooperative Institutional Development and Capacity Enhancement Program, Employee Engagement and Rewards Program, at Disaster Preparedness Program.

Binigyang-diin din ni Engr. Agtay na ang bawat proyektong nakapaloob sa AIP ay patunay ng malasakit ng pamahalaang panlalawigan sa mga Novo Ecijanos.